Patay ang isang 24-anyos na jeepney dispatcher matapos barilin ng isang jeepney driver kasunod ng mainit na pagtatalo sa harap ng BPI sa National Highway, Barangay Batong Malake, Los Baños, Laguna bandang 5:20 ng hapon nitong Mayo 1.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Los Baños Municipal Police Station, sakay umano ng kanyang pampasaherong jeep ang suspek kasama ang kanyang 10-anyos na anak at mga pasahero nang magkaroon ng komprontasyon sa biktima.
Ayon sa pulisya, nauwi sa pisikal na pananakit ang insidente bago umano bumaba ang driver at pinaputukan ang biktima ng dalawang beses gamit ang baril.
Isinugod ng mga rumespondeng pulis ang biktima na si Christian sa ospital sa Bay, Laguna ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa tama ng bala sa leeg.
Sa isinagawang hot pursuit operation, naaresto ang suspek na si Rodolfo, 45-anyos sa Brgy. Sto Domingo, Bay, Laguna at narekober ang isang kalibre .38 revolver na may dalawang basyo, habang slug naman ang nakuha sa crime scene.
Patuloy ang mas malalim na imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pinagmulan ng alitan o motibo. | BChannel News