Patay nang matagpuan ang isang lalaki sa loob ng kanyang barracks sa Cardama Compound, Barangay Timbao, Biñan City, Laguna, madaling araw ng Mayo a-uno.
Ayon sa ulat ng Biñan City Police Station, alas-5:30 ng umaga nang i-report ng isang welder na residente rin sa lugar ang pagkakadiskubre sa walang buhay na biktima sa loob ng barracks.
Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na bandang alas-8 ng gabi noong Abril 30, nagkaroon umano ng inuman ang biktima kasama ang ilang indibidwal sa loob ng barracks. Ayon sa nag-report, umalis siya dahil sa sobrang ingay ng grupo.
Pero pagbalik niya kinabukasan, tumambad na ang bangkay ng biktima na nakahandusay sa kama, habang wala na sa lugar ang mga huling nakasama nito.
Tatlong suspek ang itinuturong mga persons of interest kabilang sin Roger, Regie, at Edmar, kung saan kabilang sa iniimbestigahan upang matukoy ang tunay na nangyari.
Agad nagsagawa ng crime scene inspection ang mga awtoridad, habang patuloy ding nire-review ang CCTV footage, kinakausap ang mga posibleng testigo, at humingi na rin ng tulong sa SOCO para sa technical examination.
Sa ngayon, hinihintay pa ang resulta ng mas malalim na imbestigasyon upang malaman ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.