Arestado ang isang 45-anyos na lalaki na itinuring na High-Value Individual o HVI matapos mahuli sa ikinasang buy-bust operation ng City Drug Enforcement Team ng Batangas Component City Police Station sa Brgy Bolbok, Batangas City nitong May 4.
Ayon sa imbestigasyon, nahuli umano ang suspek na si Don matapos bentahan ng apat na sachet ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nasamsam sa operasyon ang apat na pakete ng puting kristal na substance na pinaniniwalaang shabu, na may tinatayang bigat na 130 grams at standard drug price na P884,000.
Narekober din ang isang sling bag, marked money, boodle money, at iba pang cash na ginamit sa operasyon.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Batangas police ang suspek habang inihahanda ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaso sa piskalya.