
Isang negosyo ang sinimulan ni Engr. Nathaniel Javier, isang youngpreneur na mahilig sa sneakers o sapatos at ngayo’y patuloy na lumalago at tinatangkilik ng madla.
Ang Fresh Out The Box (FOTB) ay nagsimula sa personal na koneksyon at pagkahilig sa mga sapatos ni Javier, hanggang sa unti-unti itong ginawang isang negosyo.
Aminado si Javier na noon ay limitado pa ang kanyang budget upang makabili ng branded na pares—dahilan upang lalo niyang pahalagahan ang pag-aalaga at pagpapanatili ng mga sapatos.
Isa rin sa mga naging inspirasyon ni Javier upang simulan ang FOTB ay ang kahalagahan ng malinis at maayos na sapatos dahil nakadaragdag ito sa kabuuang ayos at kumpiyansa ng isang tao.
Ipinagmamalaki ng FOTB ang kanilang shoe cleaning at restoration service kabilang ang unyellowing, sole replacement, re-paint, at re-gluing na kadalasan umanong inilalapit ng mga customer sa kanilang shop.
Mas pinagtibay pa ng kanilang serbisyo ang kalidad sa pamamagitan ng mga shoe technician, na dumaan sa masusing pagsasanay at may malawak na karanasan sa pag-aalaga at pagpapanumbalik ng mga sapatos.
Mungkahi ng FOTB sa publiko, mas mabuting mapudpod o masira ang sapatos habang ginagamit kaysa tuluyang masira ito nang nakatago at hindi napapakinabangan.
Para kay Javier, hindi lamang basta negosyo ang FOTB kundi isang passion at pangarap na patuloy niyang nais palaguin at mas mapalawak sa loob at labas ng Batangas.
Kasalukuyang, nakatuon ang FOTB sa kanilang programang “Sole Purpose,” kung saan inilalaan nila ang kabuuang kita mula sa kanilang home service upang makapagbalik sa komunidad sa pamamagitan ng outreach program o mga gawaing makakatulong sa kapwa.
Nagsimula ang FOTB Shoe Cleaning noong 2022 na matatagpuan sa Brgy. Kumintang Ilaya, Batangas City. | BChannel News