Pormal nang nagsampa ng reklamong plunder at technical malversation si doctor at public health advocate na si Tony Leachon laban kay Ralph Recto at ilang Cabinet officials sa Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y paglilipat ng 60 billion pesos na pondo ng PhilHealth at 107 billion pesos mula sa Philippine Deposit Insurance Corporation o PDIC.
Ayon kay Leachon, inilipat umano noong 2025 ang bahagi ng reserve funds ng PhilHealth sa National Treasury, kahit nakalaan ito para sa health services, primary care, at tulong sa mahihirap na miyembro.
Giit niya, nagkaroon umano ito ng malaking epekto sa operasyon ng mga ospital, pati sa mga programang para sa cancer at dialysis patients.
Kasama rin sa reklamo ang umano’y paglilipat ng pondo ng PDIC na ginagamit bilang proteksyon sa mga depositors ng bangko.
Ayon sa kampo ni Leachon, posibleng nalabag dito ang batas at tiwala ng publiko sa health at financial system ng bansa.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Leachon na hindi lang umano ito usaping legal kundi moral din, dahil ang pondong inilaan para sa kalusugan ay para sana sa mga Pilipinong nangangailangan ng serbisyong medikal.
Sa ngayon, wala pang opisyal na tugon si Recto at ang iba pang opisyal na nadawit sa reklamo. | BChannel News