Iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang pagkamatay ng mag-live-in partner sa loob ng kanilang inuupahang kwarto sa Brgy. Parian, Calamba City, Laguna bandang 8:30 ng gabi noong May 25, 2026.
Ayon sa Calamba City Police, alas-1:05 ng madaling araw noong May 26 nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na nagsumbong sa insidente.
Natagpuan ang mga biktima na nakahandusay at may mga tama ng saksak sa bahagi ng leeg. Kinilala ang babae na si Armafe, 21-anyos, habang ang lalaki na si Patrick ay 26-anyos. Pareho silang nakatira sa nasabing address at kapwa wala nang buhay nang datnan.
Sa paunang ulat, lumalabas na madalas umanong nagtatalo ang dalawa. May impormasyon din na bago ang insidente, nais na raw ng babae na tapusin ang kanilang relasyon.
Isang witness ang nakadiskubre sa pinangyarihan at humingi ng tulong sa pulisya.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Calamba PNP at hinihintay ang resulta ng crime scene processing mula sa Scene of the Crime Operatives.