Opens in a new tab
Skip to content
Politics

Imee Marcos: Senate Majority Bloc, Pinupuntirya umano ng Sunod-sunod na Kaso

Umiinit ang usapin sa Senado matapos sabihin ni Senator Imee Marcos na siya at ang 13-member Senate majority bloc ay tila pinupuntirya umano ng mga kasong unti-unting isinasampa o binubuo laban sa kanila.

Sa isang media forum, sinabi ni Marcos na may natatanggap silang mga text at tawag mula umano sa mga taong nagpapakilalang galing sa Department of Justice at Office of the Ombudsman. Ayon sa kanya, may babala na raw na may “case buildup” laban sa buong labing tatlong senador.

Giit pa niya, nararamdaman umano nila na dumarami at bumibigat ang mga kaso laban sa ilang miyembro ng majority bloc, at tila isa-isa silang napipilitan humarap sa mga reklamo.

Binanggit niya ang ilang kapwa senador na umano’y naaapektuhan, kabilang sina Rodante Marcoleta, Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, Chiz Escudero, pati sina Camille Villar at Mark Villar, na umano’y sunod-sunod na rin ang kinakaharap na reklamo.

Ayon pa kay Marcos, may mga nababanggit din na posibleng sumunod na kaso sa iba pang senador, kabilang ang usaping may kaugnayan sa International Criminal Court na posibleng umabot kay Senator Bong Go.

Kwento niya, hindi raw nila maintindihan kung bakit ganito ang takbo ng mga pangyayari ngayon sa Senado, at tila mas mabigat kumpara sa mga nakaraang political transitions.

Gayunman, sinabi rin niya na umaasa siyang hindi ito mauuwi sa patuloy na pagdami ng kaso laban sa kanila, lalo na’t may mas malalaking isyung kinakaharap ang bansa.

Sa hiwalay na development, kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Jesus Crispin Remulla na naghahanda ang kanilang tanggapan ng plunder case laban kay Jinggoy Estrada kaugnay ng umano’y flood control project scam, at posibleng kasunod si Joel Villanueva.

May pahiwatig din ang Ombudsman na maaaring umabot pa sa tatlong iba pang senador ang kakasuhan, habang patuloy pa ang imbestigasyon sa ilang kaugnay na reklamo.

Hiwalay din ang kaso ni Senator Ronald dela Rosa na may kaugnayan sa ICC arrest warrant.