Opens in a new tab
Skip to content
Politics

P7.2 Trilyong budget para sa 2027, isinusulong ng administrasyong Marcos

Target ng administrasyong Marcos ang P7.2-trilyong national budget para sa 2027, na katumbas ng halos 21.7% ng GDP ng bansa, ayon sa Department of Budget and Management o DBM.

Mas mataas ito ng P407 bilyon o 6% kumpara sa 2026 budget na P6.793 trilyon, base sa National Budget Memorandum No. 158 na nilagdaan ni DBM Acting Secretary Kim Robert de Leon.

Ayon sa DBM, tututok ang panukalang budget sa mga programang magpapalawak ng oportunidad at tutugon sa pangangailangan ng mga Pilipino, lalo na sa infrastructure at iba pang development projects. Prayoridad din ang mga proyektong mabilis maipatupad at may malinaw na epekto sa ekonomiya.

Pero aminado rin ang pamahalaan na may limitadong fiscal space dahil sa tumataas na obligasyon tulad ng National Tax Allotment sa LGUs, bayad-utang, at iba pang required spending.

Kasabay nito, nire-review din ang fiscal strategy ng bansa dahil sa iba’t ibang hamon tulad ng global conflicts, climate change, at epekto ng El Niño, na nakaapekto sa ekonomiya.

Sa datos, lumago ang ekonomiya ng 4.4% noong 2025, bagama’t naapektuhan ito ng global at local challenges.

Sa kabila nito, plano ng gobyerno na unti-unting bawasan ang budget deficit at mas paghusayin ang paggastos para masigurong napupunta sa mga proyektong may konkretong benepisyo ang bawat pondo.

Sa ngayon, inaasahang dadaan pa sa masusing pag-aaral ang panukalang budget bago ito tuluyang aprubahan.