Nauwi sa pagba-blacklist ng supplier ang reklamo ng ilang residente sa Mandaluyong City matapos madiskubreng may mga sako ng bigas na kulang sa timbang sa ilalim ng programang “Bawat Bayan Makikinabang” ng administrasyong Marcos.
Ayon sa ulat, nakatatak na 10 kilo ang laman ng ilang sako ngunit nang timbangin ng mga benepisyaryo, lumabas na 8 kilo lamang ang ilan sa mga ito.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng Palasyo, nasa 50 sako ang napatunayang kulang sa timbang mula sa kabuuang 29,500 sako na ipinamahagi sa lungsod.
Dahil dito, nagpasya ang Mandaluyong City government na i-blacklist ang supplier habang nagpapatuloy ang hiwalay na imbestigasyon sa insidente.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, inamin ng supplier ang pagkakamali, humingi ng paumanhin sa lokal na pamahalaan, at nangakong papalitan ang mga kulang na sako.
Bilang kapalit, makatatanggap ng karagdagang 10 kilo ng bigas ang mga apektadong pamilya at hindi na rin kukunin ang nauna nilang natanggap na suplay.
Nagsimula ang usapin matapos mapansin ng ilang residente ang kakulangan sa timbang ng mga bigas na ipinamahagi sa ilalim ng programa.