Dumarami ang reklamo ng mga residente ng San Jose del Monte, Bulacan dahil sa kulay at kalidad ng tubig na lumalabas sa kanilang mga gripo kasabay ng mga ulat ng mahinang pressure at pansamantalang pagkawala ng suplay.
Ayon sa Metro Pacific Bulacan Water, ang pagbabago ng kulay ng tubig ay iniuugnay sa mataas na antas ng manganese sa tubig mula sa Angat Dam, na umano’y mas nararanasan kapag mababa ang lebel ng tubig dulot ng El Niño.
Sinabi rin ng kumpanya na kinakailangan ng karagdagang treatment sa tubig bago ito maipamahagi, bagay na nakaaapekto sa dami ng suplay na naihahatid sa ilang lugar.
Habang nagpapatuloy ang reklamo ng mga residente, sinabi ng Metro Pacific Bulacan Water na isinasagawa na ang mga hakbang upang mapabuti ang kalidad ng tubig at maibalik sa normal ang serbisyo sa mga apektadong komunidad.
Samantala, sinabi ng kumpanya na nakapag-install na sila ng isang pansamantalang 220-horsepower motor unit upang makatulong sa pagpapatatag ng suplay habang inaayos ang nasirang motor ng Clear Water Pump sa Water Treatment Plant No. 2.
Patuloy rin umano ang monitoring at pagkukumpuni upang maibalik sa normal ang operasyon at serbisyo ng tubig sa mga apektadong lugar sa lalong madaling panahon.