Opens in a new tab
Skip to content
National

Bong Revilla, Pinayagang Makapagpiyansa sa Malversation Case

Pinayagan ng Sandiganbayan Third Division na makapagpiyansa si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kasong malversation na may kaugnayan sa umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Sa desisyon ng korte, maaari siyang pansamantalang makalaya matapos maglagak ng P1 milyong cash bond. Ayon sa Sandiganbayan, hindi sapat ang mga ebidensyang iniharap ng prosekusyon sa mga bail hearing upang maipakitang matibay ang pagkakasangkot ni Revilla sa kasong ito sa kasalukuyang yugto ng paglilitis.

Gayunman, nilinaw ng korte na ang pagpayag sa piyansa ay hindi nangangahulugan ng pag-absuwelto sa akusado. Magpapatuloy pa rin ang pagdinig sa kaso, at maaari pang maghain ng karagdagang ebidensiya ang prosekusyon sa mga susunod na pagdinig.

Hindi naman pinagbigyan ng Sandiganbayan ang kahalintulad na petisyon ng ilan sa mga kapwa akusado ni Revilla.

Nakatakda ang susunod na pagdinig sa kaso sa Agosto 4.

Si Revilla ay tumakbo rin sa 2025 midterm elections bilang bahagi ng senatorial slate ng administrasyong Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngunit hindi nakapasok sa winning circle matapos pumuwesto sa ika-14 na puwesto sa opisyal na bilangan ng boto.