Mahigit P841 milyon na ang nabawi ng pamahalaan mula sa mga indibidwal na iniuugnay sa umano’y anomalya sa mga ghost flood control projects, ayon sa Department of Justice o DOJ.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng DOJ na ang nakolektang pondo ay naipadala na sa National Treasury sa pamamagitan ng Land Bank of the Philippines. Kasabay nito, tiniyak ng ahensya na magpapatuloy ang mga hakbang upang mabawi pa ang iba pang pondo na umano’y nawala sa mga proyekto.
Kabilang sa mga nagbalik ng pera ang dating Department of Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo, na nagsauli ng humigit-kumulang P500 milyon. Nagbalik din ng P181.4 milyon si dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara, P140 milyon mula kay suspended NCR District Engineer Gerard Opulencia, at P20 milyon mula kay SYMS Construction Trading owner Sally Santos.
Ayon sa DOJ, ang apat ay kabilang sa mga tinanggap sa Witness Protection Program. Iginiit din ng ahensya na magpapatuloy ang imbestigasyon at paghahabol sa mga responsable sa mga kuwestiyonableng flood control projects, habang nakikipag-ugnayan ito sa Office of the Ombudsman para sa mga kaukulang kaso.
Sinabi ng DOJ na ang mga pondong nabawi ay pera ng taumbayan at dapat maibalik sa kaban ng bayan.