Matapos tuluyang maglaho ang dating Tropical Depression Luis, minomonitor naman ngayon ng PAGASA ang isang bagong Low Pressure Area o LPA na may mataas na posibilidad na maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.
Bandang alas-2 ng hapon ng Agosto 4, namataan ang LPA sa layong 180 kilometro kanluran ng Bacnotan, La Union. Samantala, patuloy ding mino-monitor ang Typhoon Dolphin na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility, may lakas ng hanging 155 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 190 kilometro kada oras.
Dahil sa pinagsamang epekto ng bagong LPA at ng Habagat, nakararanas ng paminsan-minsang pag-ulan ang Metro Manila, Rizal, Cavite, Batangas, at Occidental Mindoro, habang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog naman ang nararanasan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at Central Luzon.
Nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng flash floods at landslides, lalo na sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan. | BChannel news