Ibinasura ng Korte Suprema ang magkahiwalay na petisyon nina Vice President Sara Duterte at Atty. Israelito Torreon na kumukuwestiyon sa naging paghawak ng House of Representatives at ng House Committee on Justice sa mga impeachment complaint laban sa bise presidente.
Sa inilabas na resolusyon, sinabi ng Kataas-taasang Hukuman na wala nang kailangang pagpasiyahan sa mga isyung iniharap dahil naipasa na ng Kamara ang Articles of Impeachment at naipadala na ito sa Senado, na ngayon ay kumikilos bilang Impeachment Court.

Kabilang sa kinuwestiyon ng mga petisyon ang pagkalap ng ebidensya, pagpapatawag ng mga testigo, at ang naging findings ng House Committee on Justice sa mga reklamo laban kay Duterte.
Ipinaliwanag ng Korte Suprema na natapos na ang papel ng Kamara sa impeachment process nang maipadala ang Articles of Impeachment sa Senado. Dahil dito, anumang magiging ruling sa mga naging aksyon ng Kamara ay hindi na makaaapekto sa kasalukuyang usapin.
Binigyang-diin din ng hukuman na bagama’t maaari itong dinggin ang ilang kaso kahit naging moot na, wala itong nakitang sapat na dahilan upang gawin iyon sa pagkakataong ito.