Nanawagan si Senador Loren Legarda ng mas matibay na proteksyon para sa mga manggagawang patuloy na pumapasok kahit may bagyo, baha, at iba pang kalamidad.
Kasunod ito ng ulat na umabot sa 50.66 milyon ang bilang ng mga may trabaho sa bansa noong Hunyo 2026. Ayon kay Legarda, maraming empleyado sa transportasyon, healthcare, food supply, retail, media, edukasyon, agrikultura, at iba pang sektor ang patuloy na nagtatrabaho kahit may panganib sa kanilang kaligtasan.
Kaugnay nito, inihain niya ang Senate Bill 520 o Calamity Work Compensation Act, na naglalayong magbigay ng karagdagang 30 porsiyento ng arawang sahod sa mga pribadong empleyadong kinakailangang pumasok kapag may Signal No. 3, 4, o 5 o katumbas na kalamidad.
Sinabi rin ni Legarda na dapat ding mapalakas ang proteksyon para sa mga delivery rider, driver, vendor, at iba pang arawang kumikita. Binanggit niya ang kamakailang pagkamatay ng isang delivery rider sa Antipolo City matapos matumbahan ng puno at poste habang sumisilong sa malakas na ulan.
Ayon sa senador, hindi dapat isugal ng mga manggagawa ang kanilang kaligtasan kapalit ng isang araw na kita. Aniya, mahalagang magkaroon ng sapat na proteksyon, emergency assistance, at iba pang suporta para sa lahat ng uri ng manggagawa lalo na tuwing panahon ng kalamidad.