Opens in a new tab
Skip to content
National

DSWD: 600,000 pamilya sa Walang Gutom Program, nakitaan ng pagbuti sa food situation

May pagbuti umano sa kalagayan ng pagkain ng mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program o WGP, batay sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations o SWS sa 600,000 pamilyang kabilang sa programa.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, lumabas sa dalawang rounds ng survey na mas maraming benepisyaryo ang nakaranas ng pagbaba ng gutom, food insecurity, at food poverty kumpara sa mga hindi kabilang sa programa.

Saklaw ng pag-aaral ang 2,400 respondents at isinagawa mula Pebrero hanggang Marso at muli noong Hunyo hanggang Hulyo. Ayon sa resulta, bumaba sa 26.9 percent mula 33.6 percent ang antas ng gutom na naitala sa mga benepisyaryo ng programa.

Samantala, nakitaan din ng pagbaba ang food insecurity at bilang ng mga pamilyang nagsasabing sila ay food poor.

Nilinaw naman ni Gatchalian na ang survey ay kinomisyon ng Globe Telecom at isinagawa ng SWS, gamit ang parehong mga tanong na ginagamit sa regular nitong surveys.

Sa kasalukuyan, nasa 600,000 households na ang sakop ng programa at target pang madagdagan ng 150,000 pamilya upang maabot ang kabuuang 750,000 food-poor families na naitala ng Philippine Statistics Authority o PSA.

Sa ilalim ng WGP, tumatanggap ang mga benepisyaryo ng P3,000 food credits sa pamamagitan ng electronic benefit transfer cards na maaari lamang gamitin sa pagbili ng pagkain.

Kabilang din sa programa ang mga session tungkol sa nutrisyon, kabuhayan, at skills training sa pakikipagtulungan ng DOLE at TESDA, bilang bahagi ng mga kondisyon para sa mga benepisyaryo.