Opens in a new tab
Skip to content
National

Korte sa Pasig, pansamantalang pinigil ang P85 wage hike sa NCR

Pansamantalang hindi muna maipatutupad ang P85 minimum wage increase sa National Capital Region o NCR matapos maglabas ng writ of preliminary injunction ang Pasig City Regional Trial Court Branch 152 laban sa Wage Order No. 27.

Ang kautusan ay may kaugnayan sa petisyong inihain ng Readycon Trading and Construction Corporation at R-II Builders Inc., na kumukuwestiyon sa naturang wage order. Nauna nang nagpalabas ang hukuman ng temporary restraining order noong Hulyo 30 bago nito inilabas ang mas malawak na injunction.

Sa desisyon, sinabi ng korte na kailangang mapanatili muna ang kasalukuyang sitwasyon habang dinidinig ang pangunahing kaso. Binanggit din nito ang mga argumentong iniharap ng mga petitioner, kabilang ang posibleng epekto ng wage hike sa operasyon ng ilang negosyo at sa trabaho ng mga empleyado.

Kasabay nito, kinilala ng hukuman na maaaring maapektuhan din ang milyun-milyong manggagawa sa NCR dahil sa pagkaantala ng dagdag-sahod. Dahil dito, inatasan ang mga petitioner na maglagak ng P10 bilyong injunction bond bago tuluyang maisakatuparan ang writ of preliminary injunction.

Habang nakabimbin ang kaso, inutusan din ng korte ang magkabilang panig na magsumite ng karagdagang mga sagot, ebidensya, at kaukulang komento sa mga mosyon na inihain ng ilang labor groups na nais makilahok sa usapin.

Sa ngayon, mananatiling nakahinto ang pagpapatupad ng Wage Order No. 27 hanggang sa magkaroon ng desisyon ang hukuman sa pangunahing petisyon. | BChannel news