Iniimbestigahan ng Land Transportation Office o LTO ang umano’y paggamit ng hindi awtorisadong plaka sa isang Porsche 918 Spyder na nakarehistro umano sa aktor na si Derek Ramsay.
Dahil dito, naglabas ang LTO ng show-cause order upang hingin ang paliwanag ng mga sangkot at matukoy kung may paglabag sa mga patakaran sa paggamit ng plaka at rehistrasyon ng sasakyan.
Sinabi rin ng ahensya na isang negosyante ang nagmamaneho ng sasakyan nang matukoy ang isyu. Ayon sa LTO, kasama sa kanilang sinusuri ang umano’y paggamit ng mga personalized o pekeng plaka sa ilang sasakyan.
Iginiit naman ng LTO na mananagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas, anuman ang katayuan o kasikatan nito.

Lumitaw naman ang ilang dating video ng sasakyan ni Direk na may plakang NFD 8298, habang sa rekord na inilabas ng ahensya ay nakatalang AJV 0918 ang plate number ng naturang supercar.

Samantala, isinailalim sa 90-araw na preventive suspension ang lisensya ng itinalagang drayber at inatasan itong isumite sa LTO. Inilagay rin sa alarm status ang supercar at iniutos ang pag-impound nito habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Derek Ramsay o manager nito kaugnay ng alegasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng ahensya. | BChannel news