Opens in a new tab
Skip to content
Weather

Habagat, patuloy na magpapaulan; LPA sa silangan ng Luzon, binabantayan

Patuloy na magdadala ng malalakas na pag-ulan ang Habagat sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas, ayon sa pinakahuling pagtataya ng PAGASA.

Pinakaapektado ang Benguet, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro, kung saan inaasahan ang monsoon rains at posibleng flash floods at landslides dahil sa malakas hanggang matinding pag-ulan.

Makakaranas naman ng paminsan-minsang ulan ang Metro Manila, Ilocos Sur, Abra, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Oriental Mindoro, at Antique. Posible rin ang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng tuloy-tuloy na pag-ulan.

Samantala, nakabantay rin ang PAGASA sa isang Low Pressure Area o LPA na nasa 1,160 kilometro silangan ng Northern Luzon. Bagama’t wala pa itong direktang epekto sa bansa, patuloy itong minomonitor ng weather bureau.

Dahil sa masamang panahon, inaasahan din ang katamtaman hanggang malalakas na hangin at maalon na karagatan sa hilaga at kanlurang bahagi ng Luzon, pati sa silangang bahagi ng Mindanao.

Pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga nasa mababang lugar at landslide-prone areas, na manatiling alerto at sumubaybay sa mga susunod na abiso ng PAGASA. | BChannel news