Opens in a new tab
Skip to content
National

5-taong termino ng barangay at SK officials, itinutulak sa senado

Hindi simpleng pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE ang layunin ng isang panukala sa Senado, kundi ang pagtatakda ng mas permanenteng limang taong termino para sa mga barangay at SK officials.

Ito ang paliwanag ni Senator Francis Escudero sa pagdinig ng Senate Committee on Local Government kaugnay ng Senate Bill No. 2387.

Sa ilalim ng panukala, magiging limang taon ang termino sa halip na kasalukuyang apat na taon. Ayon kay Escudero, layunin nitong magkaroon ng mas tiyak na election cycle at maiwasan ang paulit-ulit na pagpapalit o pagpapaliban ng schedule ng barangay elections.

Kung maisasabatas, ang susunod na regular BSKE ay gaganapin sa Nobyembre 2028, at susundan ito ng halalan kada limang taon.

Isa sa mga inaasahang benepisyo nito ay mas mahabang panahon para sa mga opisyal na maisagawa ang mga proyekto sa komunidad, disaster preparedness, at peace and order programs nang hindi agad naaantala ng election period.

Hindi naman mababago ang term limits. Mananatili ang hanggang tatlong magkakasunod na termino para sa barangay officials, habang isang termino lamang ang limitasyon para sa SK officials.

Sa transition period, ang karagdagang panahong pagsisilbihan ng kasalukuyang officials ay ibibilang pa rin sa kanilang termino. Ibig sabihin, ang barangay official na nasa ikatlong sunod na termino ay hindi na maaaring tumakbo muli sa parehong posisyon.

Samantala, sinabi ng Comelec na nagpapatuloy na ang paghahanda para sa November 2026 BSKE. Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, nasa ₱8 bilyon na sa kabuuang ₱19.57 bilyong pondo ang nagastos, naobliga o nailaan na para sa halalan.

Tinatayang ₱10.944 bilyon naman ang maaaring manatiling hindi magagamit kung tuluyang hindi matuloy ang November elections. Aminado ang Comelec na maaari nitong pag-aralan kung paano magagamit ang naturang pondo sa paghahanda para sa 2028 national at local elections.