Opens in a new tab
Skip to content
Entertainment

Kotse ni Derek Ramsay, sinusuri ng LTO at BOC dahil sa posibleng iregularidad sa importation

Isang Porsche 918 Spyder ang sumailalim sa magkahiwalay ngunit magkakaugnay na imbestigasyon ng Land Transportation Office o LTO at Bureau of Customs o BOC, matapos lumitaw ang mga posibleng iregularidad sa plaka at dokumento ng pag-aangkat nito.

Nagsimula ang kaso sa alegasyon ng paggamit ng unauthorized plate, dahilan para maglabas ang LTO ng Show Cause Order noong Agosto 13. Makalipas ang ilang araw, boluntaryong isinuko ng aktor na si Derek Ramsay ang sasakyan sa LTO at nananatili itong impounded habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Sa pagberipika ng LTO sa Customs records, lumitaw ang malaking pagkakaiba sa deklarasyon ng sasakyan.

Sa unang entry noong Setyembre 2021, idineklarang brand-new Porsche Boxster ang sasakyan. Ngunit sa Certificate of Payment at unang LTO registration, nakalagay na itong Porsche 918 Spyder.

Mas kapansin-pansin din ang agwat sa dutiable value. Mula sa tinatayang ₱3.26 milyon para sa idineklarang Porsche Boxster, umabot ito sa humigit-kumulang ₱48.02 milyon bilang Porsche 918 Spyder.

Dahil dito, nagsasagawa ngayon ang BOC ng karagdagang pagsusuri para sa posibleng paglabag sa Section 1400 ng Customs Modernization and Tariff Act o CMTA.

Nananatili sa kustodiya ng LTO ang sasakyan habang inaayos ang pormal na turnover nito sa BOC para sa kaukulang Customs proceedings. | BChannel News