Patuloy na mino-monitor ang Typhoon SAUDEL habang kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran sa Philippine Sea, silangan ng extreme northern Luzon.
Alas-10 ngayong umaga, nasa 1,480 kilometro east-northeast ng extreme northern Luzon, o nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility, ang sentro ng bagyo.
Taglay nito ang 175 kilometro kada oras na lakas ng hangin, na may pagbugsong hanggang 215 kilometro kada oras, habang kumikilos sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Inaasahang papasok sa PAR ngayong hapon, at kapag nakapasok, tatawagin itong Typhoon Obet.
Ayon sa PAGASA, nasa near-Super Typhoon category na si Saudel at hindi inaalis ang posibilidad na maging Super Typhoon bago o habang nasa loob ng PAR. Gayunman, sa kasalukuyang forecast track, hindi inaasahang direktang makaaapekto sa bansa sa susunod na tatlong araw.
Samantala, naglabas din ang PAGASA ng heavy rainfall outlook dahil sa Southwest Monsoon o Habagat.
Mula ngayon hanggang tanghali ng Agosto 25, inaasahang makatatanggap ang Batanes ng 50 hanggang 100 millimeters na ulan.
Mula tanghali ng Agosto 26 hanggang tanghali ng Agosto 27, kabilang naman sa maaaring makaranas ng 50 hanggang 100 millimeters ang Zambales, Bataan at Occidental Mindoro.
Maaaring mas mataas ang rainfall sa mga bulubundukin at matataas na lugar, habang maaaring lumala ang epekto sa ilang lugar dahil sa nauna nang pag-ulan. | BChannel News