Opens in a new tab
Skip to content
Food

P6.6-milyong chicken at fish tofu, nasabat sa Subic; ideklarang cooked tofu

Nasabat ng Bureau of Customs o BOC sa Port of Subic ang shipment na nagkakahalaga ng ₱6.669 million matapos matuklasang hindi tugma ang idineklarang laman nito sa aktuwal na cargo.

Galing Hong Kong ang shipment at nakalagay sa isang 40-foot container. Sa dokumento, cooked tofu ang idineklarang laman, pero nang inspeksyunin dahil sa intelligence information, iba ang nakita ng mga awtoridad.

Nasa loob ng container ang 1,380 cartons ng frozen chicken breast at 174 cartons ng frozen fish tofu.

Ayon sa Customs, isinailalim sa inspection ang shipment dahil sa impormasyon na posibleng may lamang frozen o processed food products at agricultural commodities na hindi tugma sa declaration.

Dahil sa nakitang violations, inirekomenda ang pag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention o WSD laban sa shipment.

Kabilang sa mga batas na posibleng nilabag ang Food and Drug Administration Act of 2009, Food Safety Act of 2013, Department of Agriculture Administrative Circular No. 6, Series of 2022, at Customs Modernization and Tariff Act o CMTA.

Ayon kay Port of Subic District Collector Atty. Geniefelle P. Lagmay, patuloy nilang sisiguraduhing sumusunod sa customs laws at regulations ang mga shipment na pumapasok sa bansa.

Sinabi naman ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na hindi dapat maapektuhan ng mga pagbabago sa organisasyon ang trabaho ng mga tauhan sa pagpigil sa smuggling at customs violations.

Nagbabala rin siya sa mga smugglers at sa mga taong tumutulong o nagpoprotekta sa mga ito, sa loob man o labas ng gobyerno, na pananagutin ang sinumang mapapatunayang lumabag sa batas.