Nasa proseso na ng imbestigasyon ng Land Transportation Office o LTO ang isang vehicular accident sa Marcos Highway, Antipolo City, Rizal, na kinasangkutan ng aktor na si Nino Muhlach.
Naglabas ang LTO ng Show Cause Order o SCO matapos makalap ang report ng pulisya at iba pang ebidensya tungkol sa insidente.
Batay sa imbestigasyon, nawalan umano ng kontrol ang sasakyan ng aktor at napunta sa kabilang lane bago bumangga sa tatlong establisimyento at isang nakaparadang motorsiklo. May isang indibidwal ding nasugatan sa insidente.
Sa sariling pahayag, inamin ng aktor na siya mismo ang nagmamaneho nang mangyari ang aksidente. Sinabi niyang nakatulog siya habang nagmamaneho dahil sa matinding pagod mula sa kaniyang demanding na schedule.
Nilinaw rin niya na wala siyang naunang personal na pahayag na mechanical failure ang dahilan ng aksidente. Ayon sa aktor, ang naturang impormasyon ay mula lamang sa preliminary police findings.
Humingi siya ng paumanhin sa nasugatan, sa pamilya nito, at sa iba pang naapektuhan. Sinabi rin niyang pananagutan niya ang insidente at tutugunan ang medical needs ng biktima at mga pinsala sa mga ari-arian.
Samantala, inilagay na ng LTO sa alarm status ang sasakyan at inatasan ang aktor na isuko ang kaniyang driver’s license. Sasailalim ito sa 90-day preventive suspension habang nagpapatuloy ang proseso.
May pagdinig din sa LTO Intelligence and Investigation Division sa Agosto 28, kung saan inaasahang magsusumite ng sinumpaang paliwanag at iba pang dokumento ang mga sangkot.
Posible ring maharap ang aktor sa kaukulang paglabag, kabilang ang reckless driving at iba pang aksyong maaaring ipataw ng LTO. Gayunman, sinabi ng ahensya na daraan muna sa due process ang kaso bago magkaroon ng pinal na desisyon.
Paalala naman ng LTO, hindi dapat ipilit ang pagmamaneho kapag pagod o inaantok dahil maaaring malagay sa panganib hindi lang ang driver kundi pati ang ibang motorista at mga taong nasa paligid. | BChannel News