Tumanggap si President Ferdinand R. Marcos Jr. ng Honorary Degree of Doctor of Laws, Honoris Causa mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila o PLM nitong Huwebes.
Iginawad ang parangal sa 58th Commencement Exercises ng unibersidad na ginanap sa Philippine International Convention Center sa Pasay City. Ito ang pinakamataas na honorary degree na ibinibigay ng PLM.
Ayon sa unibersidad, kinilala sa parangal ang mga hakbang ni Marcos sa rule of law, economic development, access to education, public health services, at social equity.
Sa kanyang mensahe, sinabi ng Pangulo na tinanggap niya ang pagkilala bilang dagdag na responsibility. Giit niya, dapat manatiling daan ang education para magkaroon ng opportunity ang mga Pilipino at makatulong sa pag-unlad ng bansa.
Para naman sa mga bagong graduate, sinabi ni Marcos na hindi lang diploma o personal success ang dapat maging sukatan ng kanilang pinag-aralan. Hinikayat niya silang gamitin ang kanilang knowledge at skills para makatulong sa ibang tao at sa bansa.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang government programs para mapalawak ang access sa higher education at training, lalo na para sa mga estudyanteng mula sa disadvantaged at vulnerable sectors.
Ayon kay Marcos, patuloy na ipinatutupad ng administration ang Universal Access to Quality Tertiary Education law, kasabay ng iba pang financial assistance programs.
Sinabi niyang nasa 2.62 million students na ang nakikinabang sa Free Higher Education. Kasama rin sa mga programang binanggit ang Tertiary Education Subsidy at Tulong Dunong Program.
Inilunsad din ng gobyerno ang Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program para sa outstanding senior high school graduates na kukuha ng priority degree programs.
Samantala, sinabi ni Marcos na mananatiling mahalagang option ang technical-vocational education and training para sa employment at livelihood.
Sa huli, hinikayat niya ang mga graduate na gamitin ang kanilang natutunan para makatulong sa pagbuo ng mas matatag, mas maunlad, at mas makataong Pilipinas.