Opens in a new tab
Skip to content
Local

10 arestado sa buy-bust operation sa Imus City, Cavite

Sampung katao ang arestado sa isang joint buy-bust operation ng PDEA Cavite, PDEA Laguna at Cavite Maritime Police Station sa Villa Calla, Barangay Palico I, Imus City, Cavite, alas-10 ng umaga nitong August 30.

Ayon sa PDEA, nasamsam sa operasyon ang 106 capsules na hinihinalang Ecstasy o MDMA na tinatayang nagkakahalaga ng P180,200.

Nakuha rin ang hinihinalang Kush na nagkakahalaga ng P7,500, ketamine na P5,000 at liquid Ecstasy na tinatayang P4,200. Kasama rin sa nakumpiska ang tatlong smartphones, drug paraphernalia at buy-bust money.

Isinagawa ang operasyon matapos umanong matukoy ang mga suspek na sangkot sa pagbebenta at pag-iingat ng mga hinihinalang ilegal na droga.

Nahaharap ang mga naarestong indibidwal sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Kabilang sa mga binanggit na posibleng ikaso ang pagbebenta ng dangerous drugs, conspiracy to sell, at possession ng dangerous drugs at drug paraphernalia sa parties, social gatherings o meetings.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek habang inihahanda ang kaukulang mga kaso. | BChannel news