Iniutos ng NAPOLCOM ang masusing imbestigasyon sa isang police senior master sergeant sa Cavite matapos ireklamo ng isang 20-anyos na college student dahil umano sa pananakit at death threat.
Ayon sa reklamo, nangyari ang insidente noong August 27 sa Governor’s Drive, Trece Martires City. Umano’y hinabol ng pulis ang motorsiklong sinasakyan ng estudyante at ang kanyang angkas, bago ito binangga at tumumba.
Sinabi ng estudyante na matapos ang insidente, tinutukan umano siya ng baril, sinuntok at dinala sa police station. Nagpositibo rin umano sa alcohol breath analyzer test ang pulis.
Bukod sa NAPOLCOM investigation, sinuspinde naman ng LTO nang 90 araw ang lisensya ng pulis kaugnay ng insidente. Pinagpapaliwanag din siya sa ilang posibleng traffic violations, kabilang ang reckless driving at driving under the influence of alcohol.
Pinahaharap ng NAPOLCOM ang pulis at ang police investigator sa September 3 para marinig ang kanilang panig.
Wala pang pinal na finding sa mga alegasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.