Opens in a new tab
Skip to content
International

Oil tanker tinamaan sa Strait of Hormuz, 2 Pinoy marino patay

Dalawang Pilipinong seafarers ang nasawi matapos ang isang security incident habang bumibiyahe ang kanilang barko sa Strait of Hormuz noong August 31.

Kinumpirma ito ng operator ng crude carrier na SIDR, ang Saudi-based shipping company na Bahri. Ayon sa maritime security reports, tinamaan umano ang SIDR ng hindi pa nakikilalang projectiles malapit sa Khasab, Oman. Sa unang ulat, ligtas pa ang lahat ng crew, bago kalaunan makumpirmang may dalawang nasawi.

Isa pang oil tanker, ang Liberian-flagged na Senegal Prosperity, ang iniulat ding tinamaan ilang minuto matapos ang insidente sa SIDR. Wala namang naiulat na nasaktan sa mga crew nito.

Hindi pa malinaw kung sino ang responsable sa mga insidente. Wala ring grupong umaako sa pag-atake.

Nangyari ito kasunod ng panibagong tensyon sa pagitan ng United States at Iran sa paligid ng Strait of Hormuz. Magkaiba rin ang bersyon ng magkabilang panig sa nangyari. Sinabi ng Washington na tinarget nito ang Iranian rocket launchers na umano’y naghahanda ng mga mina sa daanan, habang sinabi naman ng Iran na mga sea mine ang tumama sa dalawang tanker.