Halos 50,000 workers sa Central Luzon ang nakatakdang makatanggap ng livelihood at emergency employment assistance mula sa Department of Labor and Employment o DOLE, matapos maapektuhan ng matinding pagbaha dulot ng Habagat.
Kabuuang 386.6 million pesos ang inilaan para sa 49,879 beneficiaries sa Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga at Tarlac.
Pinakamalaki rito ang 357.85 million pesos para sa TUPAD program, na para sa 48,667 workers. Bibigyan sila ng temporary employment at sahod kapalit ng community-based activities tulad ng paglilinis at rehabilitation sa mga lugar na naapektuhan ng baha.
Samantala, 28.79 million pesos naman ang nakalaan para sa 1,212 beneficiaries sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program. Kabilang sa tulong ang kagamitan at puhunan para sa farming, sari-sari stores, food vending, fishing, livestock at iba pang maliliit na negosyo.
Sa Bulacan, humihingi pa ang DOLE ng karagdagang 22.487 million pesos mula sa local government para maabot ang 3,500 karagdagang beneficiaries sa pitong bayan. Kung maaaprubahan, maaari silang magkaroon ng 10 hanggang 15 araw na emergency employment para sa community clean-up at rehabilitation.
Ayon sa DOLE, layunin ng mga programang ito na magkaroon ng pansamantalang kita ang mga naapektuhang manggagawa habang unti-unting binabalik ang kanilang kabuhayan.