Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Camillus Hospitals, mas pinalakas ang serbisyong pangkalusugan para sa Batangueno bilang bahagi ng Metro Pacific Health

Mas pinalakas ng Camillus de Lellis Hospitals ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan matapos ang isinagawang ceremonial turnover ng United Doctors of Camillus de Lellis Medical Center (CLMC) at United Doctors of Camillus de Lellis Mabini General Hospital (CLMH) sa Metro Pacific Health (MPH) nitong Setyembre 4.

 

Pormal nang inilipat ng First United 23, Inc. ang pamamahala ng dalawang ospital sa ilalim ng MPH, ang pinakamalaking private hospital group sa Pilipinas. Ang Camillus Hospitals sa Batangas ang pang-30 at 31 ospital na nagpakumpleto sa network ng MPH sa Calabarzon. Habang mayroong 3 ospital na ang network sa Cavite, 2 sa Laguna, 2 sa Rizal, at 1 sa Quezon Province.

 

Bilang bahagi ng MPH network, inaasahan ang mas malawak na akses sa makabagong mga pasilidad, pinaigting na laboratory at medical services, pagpapalakas  ng kaalaman at kakayahan ng kanilang  healthcare professionals, at tuloy-tuloy na paghahatid ng mahusay na pangangalaga sa mga pasyente.

 

Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Dr. Ariel F. Atienza, isa sa mga founder at kasalukuyang Chief Medical Officer ng CLMC ang pakikipag-partner nila sa MPH.

 

Ayon kay Dr. Atienza, ang pag-turnover sa MPH sa management ng kompanya ng mga founder na First United 23, Inc. ay katuparan sa plano nilang mapalaki at mapalawak pa ang serbisyo ng dalawang ospital hindi lang sa Batangas sa tulong ng malawak na resources, expertise, at dagdag na investments ng network nito.

 

Pinuri naman ni Vice Chairman at President ng MPH na si Augusto P. Palisoc Jr. kung paano pinalaki ng founders ang Camillus at tiniyak na aangat pa ang mga benepisyo ng mga empleyado at ang practice ng mga doktor dahil nakahanda ang iba pang mga ospital ng network na palakasin ang patient-centric services ng Camillus hospitals. 

 

Sinabi rin ng Group CEO ng MPH na si Dr. Harish Pillai na mas mailalapit ngayon sa mga Batangueño ang de-kalidad na serbisyong medikal dahil sa clinical excellence programs ng MPH kung saan ina-upgrade ang mga pasilidad, equipment at training ng kanilang mga healthcare professionals.

 

Tampok din sa programa ang United Forward townhall at launching ng bagong advocacy campaign ng Camillus na “Alagang Tunay at Serbisyong Mahusay” kung saan ibinida ang kanilang mga doktor at iba pang healthcare team kabilang na ang dalawang MPH executives na magsisilbing bagong management. 

 

Itinalaga bilang bagong CEO ng CLMC si Norman Afable at si Jay Dayupay naman para sa CLMH na parehong nilatag sa mga empleyado at doktor ang transformation plans ng MPH sa Camillus sa susunod na 5 taon kabilang na ang pagpapatayo ng makabagong Outpatient Care Centers.   | BChannel News