Maaaring mas tumaas ang presyo ng ilang gulay at isda matapos umabot sa mahigit P1 billion ang halaga ng damage sa high-value crops dahil sa habagat at mga nagdaang bagyo.
Ayon sa Department of Agriculture, posibleng magkaroon ng upward adjustment sa presyo dahil nasira ang mga taniman at fish ponds at naapektuhan ang pagbiyahe ng mga produkto papunta sa mga pamilihan.
Sa latest data ng DA-Disaster Risk Reduction and Management Operations Center, nasa 4,869 hectares ng farmland sa walong regions ang napinsala.
Umabot naman sa 22,415 metric tons ang production losses, na nagkakahalaga ng PHP1.03 billion.
Sa fisheries, nasa PHP412.84 million ang halaga ng production losses at damage sa fishing boats, fishing gears, tanks, fish pond dikes at office buildings.
Dagdag pa sa pressure ang mataas na fuel prices, na nagpapalaki sa gastos sa freight o transportasyon ng mga pagkain.
Ibig sabihin, kahit bumagal ang food inflation nitong August, maaari pa ring magkaroon ng panibagong pressure sa presyo kung magpapatuloy ang epekto ng sama ng panahon sa supply.
Noong August, bumaba sa 4.6 percent ang food inflation mula sa 5.3 percent noong July.
Bumaba rin ang inflation sa vegetables, tubers, plantains, cooking bananas at pulses, na nagtala ng 3.4 percent decline, mula sa 8.4 percent increase noong July.
Pero hindi lahat ng pagkain ay bumaba ang inflation.
Ang rice inflation ay umakyat sa 19.4 percent mula sa 17.1 percent noong July. Samantala, bumagal ang fish inflation sa 6.6 percent mula sa 7.8 percent.
Sinabi naman ng DA na sapat ang rice stocks ng bansa dahil sa harvest at sa front-loading ng imports bilang paghahanda sa epekto ng El Niño.
Pinakamalaki sa ngayon ang damage sa rice sector, na may 59,872 metric tons na losses na nagkakahalaga ng PHP1.90 billion.
Ang volume loss na ito ay katumbas ng 0.30 percent ng annual production target na 20.29 million metric tons.
Ayon sa DA, magbibigay ito ng intervention para makatulong sa mga farmer at fisher na naapektuhan.
Patuloy namang mino-monitor ang supply at presyo ng pagkain habang bumabangon ang mga agricultural areas mula sa epekto ng habagat at mga bagyo. | BChannel News