Opens in a new tab
Skip to content
Food

Department of Agriculture, humihingi ng P1-billion na pondo para sa ASF vaccine

P1 billion ang hinihinging pondo ng Department of Agriculture para ma-subsidize ang bagong approved vaccine laban sa African swine fever o ASF, partikular para sa mga backyard pig farms.

Nanawagan si Abra lone district Representative JB Bernos sa kanyang mga kapwa lawmakers na suportahan ang funding sa proposed 2027 national budget, dahil malaking tulong umano ito sa small farmers na umaasa sa pag-aalaga ng baboy bilang kabuhayan.

Malaki ang naging epekto ng ASF sa hog industry mula nang pumasok ito sa bansa noong 2019.

Ayon sa Bureau of Animal Industry, bumaba ang hog population ng Pilipinas mula 13 million hanggang nasa 8 million na lamang. Nakapagtala rin ng ASF outbreaks sa 76 sa 82 provinces sa bansa.

Ngayon, may bagong vaccine nang maaaring gamitin para makatulong sa pagkontrol sa sakit.

Inaprubahan ng BAI ang commercial sale ng AVAC live vaccine, na ginawa ng AVAC Vietnam Joint Stock Company. Ito ang unang ASF vaccine na available para sa fatteners o mga baboy na inaalagaan para sa pork production.

Samantala, isinasailalim pa sa testing ang PROVAC, isang vaccine na gawa sa South Korea.

Para kay Bernos, mahalagang maging accessible ang vaccines sa mga magsasaka para maprotektahan ang kanilang mga baboy at maiwasan ang problema sa supply ng pork.

Kapag limitado ang supply, maaari itong magdulot ng pagtaas ng presyo ng pork at makaapekto sa food security.

Umaasa rin ang mambabatas na magtatagumpay ang bagong Animal Vaccine Development Program ng DA sa pagbuo ng sariling bakuna ng Pilipinas laban sa ASF at iba pang animal diseases.

Naniniwala si Bernos na makatutulong ang local vaccine dahil maaari itong iangkop sa mga strain ng sakit na nararanasan ng mga hayop sa bansa. | BChannel news