Mas mababa ang proposed budget ng Department of Education para sa 2027 kumpara sa mahigit P1 trillion na allocation nito ngayong taon, habang humihingi ang ahensya ng dagdag na P145.19 billion para sa mga programang hindi naisama sa national budget proposal.
Nasa P975.96 billion ang proposed DepEd budget para sa 2027, kumpara sa P1.015 trillion na allocation noong nakaraang taon. Ibig sabihin, may pagitan na humigit-kumulang P39.04 billion.
Mas kapansin-pansin ang pagbaba sa ilang pangunahing spending items. Tumaas ng 8.64 percent ang Personnel Services sa P766.74 billion, pero bumaba ng 15.94 percent ang Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE sa P174.32 billion.
Pinakamalaki ang bawas sa Capital Outlay, na bumagsak ng 67.49 percent sa P32.34 billion.
Dahil dito, humingi si Education Secretary Sonny Angara sa House Committee on Appropriations ng dagdag na pondo para sa mga priority program na hindi na-accommodate sa proposed 2027 budget.
Isa sa pinakamalaking concern ang ARAL Program, na walang nakalaang pondo sa 2027 National Expenditure Program. Humihingi ang DepEd ng P15.98 billion para ipagpatuloy ito.
Mahalaga ito dahil ayon sa DepEd, noong School Year 2025–2026, bumaba ang struggling readers mula 6.7 million sa 2.2 million, habang tumaas ang learners na umabot sa grade-level reading readiness mula 3.3 million sa 5.8 million.
Humihingi rin ang ahensya ng P49.16 billion para sa 14,274 bagong teachers at nasa 59,000 non-teaching staff, kasama ang benefits, training at laptops.
May P37.75 billion naman para sa 1,500 classrooms, school repairs, learning materials at disaster preparedness.
Kasama rito ang P8.68 billion para sa school security: P5.05 billion para sa guards, P2.31 billion para sa metal detectors at walkthrough scanners, at P1.5 billion para sa perimeter fences.
Dagdag na P40.33 billion ang hinihingi para sa feeding, learner assistance, health, mental health, guidance at sports programs.
May P983.8 million din para sa learners with special needs, Madrasah schools, indigenous learners at mga nasa hard-to-reach communities.
Bukod sa P145.19-billion request para sa DepEd, humihingi rin ng P1.74 billion ang attached agencies.
Sa proposed budget naman, may P12.09 billion para sa promotion ng mahigit 135,000 teachers at school heads, P17.31 billion para sa mahigit 4,900 classrooms, P7.33 billion para sa 11,100 repairs, P6.4 billion para sa textbooks at instructional materials, at P10.81 billion para sa learning recovery.
May P11.43 billion para sa feeding ng 3.69 million learners, at P38.12 billion para sa 2.32 million private education voucher at subsidy grantees.
Samantala, P801.5 million ang para sa hiring ng 1,800 School Counselor Associates at 221 Schools Division Office Counselors. | BChannel News