May panibagong tulak para matapos ang matagal nang delayed na LRT-1 Cavite Extension, matapos maglaan ng mas malaking proposed budget para sa proyekto at umusad ang usapin sa right-of-way.
Nasa P1.17 billion ang proposed allocation para sa extension sa 2027, mula sa P799.64 million ngayong 2026.
Pero bukod sa pondo, isa sa kailangang maresolba ay ang access sa lupang kailangan para sa construction.
Nakatakdang pumirma sa September 10 ang Department of Transportation o DOTr at Villar Group ng isang agreement para mabigyan ang gobyerno ng access sa lupang kailangan para sa isang station sa Las Piñas.
Matagal nang problema ang right-of-way. Mula 2021 hanggang 2025, nagkaroon ng mga meeting ang DOTr at Villar-affiliated firms na Fine Properties Inc. at Villar Land Holdings Inc., pero hindi pa napipirmahan ang isang kritikal na Right-of-Way Usage Agreement.
Dahil dito, hindi makapagpatuloy ang contractors sa ilang civil works.
Ang LRT-1 Cavite Extension ay may habang 11.7 kilometers, mula Baclaran hanggang Niog Station sa Bacoor, Cavite. Kasama sa extension ang mga bahagi ng Las Piñas, Zapote at Niog sa Cavite.
Nagsimula ang construction noong 2019, at target sanang matapos ang Phase 1 noong 2022. Naantala ito dahil sa COVID-19 pandemic, na nagdagdag ng P4 billion sa gastos.
Ang proyekto ay unang tinatayang nagkakahalaga ng P64.92 billion.
Samantala, mas malaking pondo rin ang inilaan sa rail transport program sa 2027, na may proposed budget na P197.3 billion.
Ito ay dagdag na P141.96 billion, o 256.54 percent, mula sa P55.34 billion na nakalaan sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act. | BChannel News