Opens in a new tab
Skip to content
Livelihood

DOLE, naglabas ng 2027 holiday pay rules para sa mga manggagawa

Naglabas na ang Department of Labor and Employment o DOLE ng guidelines sa bayad sa mga manggagawa para sa mga holiday sa 2027.

Sa Labor Advisory No. 17, Series of 2026 ng Department of Labor and Employment o DOLE, nakasaad na kapag pumasok ang empleyado sa regular holiday, makukuha niya ang 200 percent o double pay ng basic wage para sa unang walong oras. Kapag lumampas dito, may dagdag na 30 percent sa hourly rate.

Kung regular holiday naman at hindi pumasok, 100 percent ng daily wage ang matatanggap, basta pasok sa itinakdang kondisyon tungkol sa pagpasok o paid leave bago ang holiday.

Kapag natapat ang regular holiday sa rest day at nagtrabaho ang empleyado, may dagdag na 30 percent sa 200 percent basic wage. May karagdagang 30 percent din sa hourly rate para sa overtime.

Para sa special non-working days, “no work, no pay” ang general rule, maliban kung may mas magandang company policy, practice o CBA. Kapag pumasok, 130 percent ng basic wage ang bayad sa unang walong oras, at 150 percent kung rest day.

Kabilang sa special non-working days ang February 6, March 27, August 21, November 1, November 2, December 8, December 24 at December 31.

Samantala, special working day ang February 25. Ordinary working day ang rate nito, o 100 percent sa unang walong oras, habang may dagdag na 25 percent sa hourly rate kapag overtime.

Regular holidays naman ang January 1, March 25, March 26, April 9, May 1, June 12, August 30, November 30, December 25 at December 30. Ang dates ng Eid’l Fitr at Eid’l Adha ay iaanunsyo pa sa hiwalay na proclamations.