Nakauwi na sa Pilipinas ang 14 na Filipino seafarers na nakaligtas sa pag-atake sa crude oil tanker na MT SIDR sa Strait of Hormuz.
Dumating sila sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong Martes ng gabi matapos ilikas mula Oman at bumiyahe mula Dubai, United Arab Emirates.
Pero hindi pa dito nagtatapos ang pag-asikaso sa mga seafarer. Bukod sa medical checkup, sasailalim sila sa psychosocial counseling dahil sa pinagdaanang insidente. Nakaayos na rin ang kanilang pansamantalang hotel accommodation habang inaasikaso ang kanilang mga pangangailangan.
May dahilan din para imbestigahan ng Department of Migrant Workers ang insidente. Titingnan ng ahensya kung nasunod ba ang mga patakaran sa deployment ng Filipino seafarers sa mga lugar na itinuturing na high-risk.
Noong August 31, tinamaan ng hindi pa nakikilalang projectiles ang MT SIDR habang dumadaan sa Strait of Hormuz. Labing-anim na Filipino ang sakay ng barko at dalawa sa kanila ang nasawi.
Inaasikaso naman ang pagpapauwi sa dalawang nasawi, habang tiniyak ng gobyerno ang suporta sa kanilang mga pamilya.
Samantala, may isa pang malaking repatriation na inaasikaso ang DMW. Nasa 82 Filipino seafarers ang sakay ng apat na barkong inatake sa northern Black Sea.
Ayon sa DMW, ligtas na ngayon ang mga barko sa mga pantalan at posibleng makauwi sa Pilipinas ang mga seafarer sa September 11 hanggang 12.