Nilinaw ng Office of the Vice President o OVP na walang nawawalang pondo sa relief operations nito noong nakaraang taon, matapos ma-flag ng Commission on Audit o COA ang ilang deficiencies at inconsistencies sa records na may kabuuang halaga na nasa P168 million.
Ayon sa OVP, ang mga napansing discrepancy ay may kinalaman sa ilang pre-operation documents na bahagi ng sarili nitong internal procedures, at hindi requirements na direktang itinakda ng batas o COA regulations.
Paliwanag ng tanggapan, nagkaroon ng pagbabago sa field conditions habang isinasagawa ang relief operations. Giit nito, accounted for ang lahat ng pondo, at naisagawa ang mga relief activity, kabilang ang validation at documentation ng mga beneficiaries.
Sinabi rin ng OVP na patuloy nitong inaayos ang documentation at monitoring procedures para mas kumpleto ang records sa mga susunod na emergency response.