Hindi na matutuloy sa 2026 ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE matapos maging batas ang Republic Act No. 12326.
Nilagdaan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang bagong batas na nagtatakda ng limang taon na termino para sa mga halal na barangay at SK officials.
Sa ilalim ng batas, ang susunod na regular BSKE ay gaganapin sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028, at susundan ito ng halalan kada limang taon.
Ang bagong batas ay amendment sa Republic Act No. 12232, na dati nang nagtakda ng pagbabago sa schedule ng BSKE.
Para naman sa mga incumbent barangay officials, itinuturing na nakumpleto na nila ang isang termino dahil sa dalawang taong extension. Dahil dito, ang mga incumbent na nasa kanilang last term sa parehong posisyon ay hindi na maaaring tumakbo sa parehong posisyon sa November 2028 BSKE.
May bagong transition rules din para sa SK vacancies. Maaari nang mag-appoint ang city o municipal mayor ng kwalipikadong tao para punan ang ilang bakanteng SK positions, habang ang vacancy sa SK chairperson ay mananatiling sasailalim sa succession rules.
Inaatasan din ng batas ang DILG, kasama ang TESDA, COMELEC, state universities and colleges at iba pang ahensya, na magkaroon ng continuing training at capacity-building programs para sa barangay at SK officials.
Ayon kay Marcos, dapat gamitin ang dagdag na panahon para mapabuti ang public service, matapos ang mga programa at matugunan ang pangangailangan ng mga komunidad at kabataan.
Binigyang-diin din ng Pangulo na ang extension ay hindi lamang dagdag na panahon sa puwesto, kundi dagdag na pananagutan sa mga nasasakupan.
Ang Republic Act No. 12326 ay ipinasa ng Senado bilang Senate Bill No. 2387 noong September 14, 2026, at in-adopt ng House of Representatives bilang amendment sa House Bill No. 10971 noong September 16, 2026.
Magkakabisa ang batas matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa isang newspaper of general circulation.
| BChannel News