Opens in a new tab
Skip to content
National

Halos P18.7-milyong marijuana, nasabat sa NAIA; 3 pasahero arestado

Tatlong pasahero ang inaresto matapos masabat sa kanilang mga bagahe ang nasa 18,679 grams o halos 18.7 kilos ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng ₱18.679 million sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

Galing Bangkok, Thailand ang tatlong pasahero nang ma-flag ng Bureau of Customs o BOC matapos makitaan ng suspicious images ang kanilang mga bagahe habang isinasagawa ang routine screening.

Nang isailalim sa physical examination ang mga bag, doon nakita ang marijuana na itinago sa loob ng kanilang mga gamit.

Ayon sa BOC, isinagawa ang operasyon kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA. Matapos ang pagkakaaresto, isinuko sa PDEA ang tatlong pasahero para sa pagsasampa ng kaso.

Nahaharap sila sa alegasyong paglabag sa Section 4 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kaugnay ng Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.

Ayon kay BOC-NAIA District Collector Atty. Maria Yasmin M. Obillos-Mapa, nakatulong sa pagkakasabat ang pagbabantay ng Customs personnel at coordination nito sa mga law enforcement agency.

Samantala, sinabi ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na magpapatuloy ang bureau sa border checks at paggamit ng intelligence information para matukoy ang illegal drugs at smuggling activities.