Opens in a new tab
Skip to content
National

Chinese research vessel, umalis na sa EEZ matapos ang apat na araw sa Batanes

Natapos ang apat na araw na pananatili ng Chinese research vessel JIA HAI KE 7 sa karagatan malapit sa Batanes matapos itong umalis sa posisyon nito kasunod ng operasyon ng Philippine Coast Guard o PCG.

Bandang 11:42 ng umaga nitong October 1, 2026, umalis ang JIA HAI KE 7 sa lugar na nasa 37 nautical miles northwest ng Itbayat, Batanes. Naglayag ito sa bilis na 4.6 knots.

Ayon sa PCG, unang natukoy ang barko noong September 28 at mula noon ay nanatili ito sa parehong area. Sinasabi ng Philippine authorities na nagsasagawa ito ng unauthorized Marine Scientific Research o MSR sa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone.

Bilang tugon, idineploy ng PCG ang BRP Teresa Magbanua o MRRV-9701 at PCG Islander 251 para i-challenge at paalisin ang research vessel.

Bandang 7:55 ng umaga, lumapit ang BRP Teresa Magbanua sa JIA HAI KE 7 nang wala pang 100 yards at nag-deploy ng rigid-hull inflatable boat o RHIB. Patuloy din itong nagbigay ng radio challenges habang mino-monitor ang Chinese vessel.

Sa gitna ng operasyon, dumating ang China Coast Guard vessel CCG-2503 at nagsagawa rin ng mga maneuver at radio challenges laban sa Philippine vessel.

Ayon sa PCG, nakalapit ang BRP Teresa Magbanua sa JIA HAI KE 7 hanggang 50 yards, habang nasa humigit-kumulang 40 nautical miles west-northwest ng Amianan Island, Batanes ang research vessel.

Samantala, sinabi ng Department of Foreign Affairs na walang pahintulot ang Pilipinas para sa marine scientific research ng JIA HAI KE 7.

Sa ilalim ng UNCLOS at Philippine Maritime Zones Act, kailangan ang consent ng coastal state bago magsagawa ng marine scientific research sa loob ng EEZ.

Patuloy namang mino-monitor ng BRP Teresa Magbanua ang JIA HAI KE 7 habang inilalayo ito sa Philippine EEZ.