Opens in a new tab
Skip to content
National

2 LTO empleyado, timbog sa pagpapabilis ng transaksyon kapalit ng dagdag na bayad

Dalawang empleyado ng Land Transportation Office o LTO ang naaresto sa magkahiwalay na entrapment operations sa LTO Pasay noong Huwebes, October 8, 2026, dahil sa umano’y fixing activities o pagpapabilis ng mga transaksyon kapalit ng dagdag na bayad.

Pinangunahan ang operasyon ng LTO Intelligence and Investigation Division, katuwang ang PNP Criminal Investigation and Detection Group Anti-Organized Crime Unit o CIDG-AOCU, at Anti-Red Tape Authority o ARTA, kasunod ng mga reklamong natanggap ng ARTA tungkol sa mga iregularidad sa pagproseso ng mga dokumento.

Sa unang kaso, isang receiving officer ang nahuling tumanggap ng marked money mula sa isang nagpanggap na kliyente kapalit ng mas mabilis na renewal ng rehistro ng sasakyan. Inalok umano nito ang pagproseso kahit hindi personal na humarap ang may-ari at hindi kumpletuhin ang mga kinakailangang hakbang, kabilang ang emission testing at pagkuha ng Motor Vehicle Inspection Report o MVIR. Mas mataas din umano sa regular na bayarin ang hinihinging halaga.

Sa ikalawang kaso, isang motor vehicle inspector naman ang nahuli matapos umanong mag-alok online ng mas mabilis na pagproseso ng lisensya at iba pang transaksyon, gamit ang pahayag na mayroon siyang koneksyon sa loob ng ahensya. Nahuli rin itong tumanggap ng marked money.

Dinala ang dalawang suspek sa CIDG-AOCU para sa dokumentasyon at kaukulang legal na proseso. Sumailalim din sila sa medical examination at ipinaalam ang kanilang mga karapatang konstitusyonal.

Posibleng maharap ang dalawa sa paglabag sa Section 21(h) ng Republic Act 11032 o Ease of Doing Business Act, at Article 210 ng Revised Penal Code o Direct Bribery, pati sa iba pang kasong maaaring lumitaw sa imbestigasyon. | BChannel News