Opens in a new tab
Skip to content
International

PNP, sinusuri pa ang ulat sa sh^bu shipments na umano’y papunta sa Pilipinas

Nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Police o PNP sa foreign authorities para beripikahin ang ulat na dalawang magkahiwalay na shipment ng ilegal na droga na nasabat sa Laos at Thailand ay umano’y nakatakdang dalhin sa Pilipinas.

Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Allen Rae Co, hindi pa kumpirmado kung Pilipinas talaga ang destinasyon ng mga nakumpiskang droga, kaya patuloy ang pagkuha nila ng impormasyon mula sa mga kinauukulang bansa.

Kabilang sa iniimbestigahan ang 521 kilograms ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng 3.54 billion pesos, na nasamsam ng mga awtoridad sa Laos mula sa isang private jet sa Luang Prabang International Airport.

Batay sa ulat ng South China Morning Post, lumipad ang naturang private jet mula sa Subang Airport sa Malaysia nang walang kargamento bago nagtungo sa Laos. Labintatlong katao naman ang iniulat na naaresto kaugnay ng shipment.

Inaalam ng PNP ang pinagmulan at pagmamay-ari ng kargamento, ang nakatalang destinasyon, flight plan ng eroplano, at kung may mga Pilipinong kabilang sa mga naaresto.

Sinusuri rin ng pulisya ang hiwalay na ulat tungkol sa mahigit isang toneladang crystal methamphetamine o shabu na nasabat sa isang bangka sa Gulf of Thailand.

Ayon sa Bangkok Post, nagkakahalaga ang naturang droga ng 1.2 billion baht, o katumbas ng humigit-kumulang 2.2 billion pesos. Iniulat din na umano’y papunta ito sa Pilipinas.

Gayunman, iginiit ni Co na hindi sapat ang mga ulat para agad sabihing sa bansa nakatakdang dalhin ang mga droga. Kailangang beripikahin ang mga dokumento at impormasyon tungkol sa bawat shipment.

Tiniyak naman ng PNP na patuloy nitong binabantayan ang mga aktibidad ng international drug-smuggling groups upang maiwasang makapasok sa bansa ang mga ilegal na droga. | BChannel News