Opens in a new tab
Skip to content
International

Limang foreign fishing vessels, pinaalis sa Kota Island sa Palawan

Pinaalis ng Philippine Coast Guard o PCG, kasama ang Philippine Navy at Philippine Marine Corps, ang limang unauthorized foreign fishing vessels sa karagatan ng Kota Island sa Palawan noong October 11, 2026.

Bandang alas-2:15 ng hapon, namataan ang isang foreign fishing vessel na naghahanda umanong mangisda ilegal, 200 meters lang mula sa baybayin. May isa pang barko na namataan naman isang nautical mile sa kanluran ng isla. Pareho silang nasa loob ng 12-nautical-mile territorial sea ng Pilipinas at hindi tumugon sa radio challenges ng PCG.

Pagsapit ng alas-3 ng hapon, nagdeploy ang Coast Guard Station Kota ng dalawang rubber boat na may sakay na anim na PCG personnel. Habang papalapit ang team, binawi ng barkong malapit sa baybayin ang inilunsad nitong sampan. Tatlo pang foreign fishing vessels ang namataan na papalapit sa isla.

Dahil sa paglapit ng mga awtoridad, umatras ang lahat ng limang barko at lumayo hanggang makalabas sa territorial sea ng Kota Island. Natapos ang operasyon bandang alas-4 ng hapon, nang walang naiulat na insidente.

Ito na ang ikatlong operasyon ng CGS Kota sa loob ng dalawang linggo. Noong October 9, pinaalis din ng PCG ang Chinese Maritime Militia Vessel 9622 at 22 sampans nito. Nauna na rin itong pinaalis noong September 28.

Ang Kota Island ay bahagi ng Municipality of Kalayaan sa Palawan. Ayon sa PCG, ipinagbabawal ang pangingisda ng mga foreign vessel sa territorial sea ng Pilipinas nang walang pahintulot. Maaari ring lumabag sa Philippine Fisheries Code at Philippine Maritime Zones Act ang ganitong aktibidad.