Opens in a new tab
Skip to content
National

3 impeachment articles ni VP Sara, binawi; gastos sa pagdinig, kinuwestiyon

Kinuwestiyon ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang pag-withdraw ng tatlo sa apat na articles of impeachment laban sa kanya, dahil hindi na raw niya maipagtatanggol ang sarili sa mga alegasyong inihain sa Senado.

Sa pahayag ni spokesperson Salvador Paolo Panelo Jr. nitong Miyerkules, October 14, 2026, tinawag niyang kawalan ng due process ang desisyon dahil hindi na maihaharap ni Duterte ang kanyang mga ebidensiya sa Senate Impeachment Court upang sagutin ang mga paratang at makamit ang acquittal o pormal na pagpapawalang-sala.

Kinuwestiyon din ni Panelo ang gastos ng impeachment proceedings. Ayon sa kanya, umabot umano sa 20 trial days ang pagtalakay sa Articles I at IV, na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds at grave threats.

Tinataya niyang nasa P500 million ang operating costs ng Senado para sa dalawang artikulong ito, katumbas ng humigit-kumulang P25 million kada araw. Maaari pa umanong lumampas sa P1 billion ang kabuuang gastos kapag isinama ang iba pang gastusin. Gayunman, wala siyang inilabas na detalyadong breakdown para patunayan ang kanyang estimate.

Ipinunto rin ni Panelo ang posibilidad na may kinalaman ang pulitika at ang 2028 elections sa pag-atras ng mga kaso.

Samantala, sinabi ng House prosecution panel na itutuon na lamang nito ang paglilitis sa Article II, na may kaugnayan sa umano’y unexplained wealth, hindi ganap na pagdedeklara ng assets, at hindi pag-divest sa business interests ni Duterte.

Ayon kay lead prosecutor Representative Jinky Luistro, ito ang pinakamakatuwirang hakbang upang mapaliit ang saklaw ng kaso at mapabilis ang proceedings.

Ipinasiya ng impeachment court na ang Articles I at IV ay withdrawn with prejudice, kaya hindi na maaaring ibalik ang mga ito sa impeachment trial laban kay Duterte sa kasalukuyan niyang termino. Samantala, ang Article III na may kinalaman sa bribery ay withdrawn without prejudice at maaari pang maihain muli alinsunod sa mga naaangkop na tuntunin.

Kinontra naman ng defense team ang desisyon dahil hindi na raw nila maihaharap sa korte ang ebidensiya laban sa mga binawing alegasyon.

Nakatakda namang simulan ni Duterte ang paghaharap ng kanyang ebidensiya para sa natitirang Article II sa November 9.

Samantala, pinabulaanan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang batayan ng pagtaya ni Panelo na umabot sa 500 million pesos ang gastos sa 20 araw na pagtalakay sa dalawang binawing articles. Ayon kay Lacson, ang 25 million pesos kada araw ay para sa kabuuang legislative functions ng Senado, hindi lamang sa impeachment trial.

Dagdag niya, ang 27.5 million pesos na orihinal na inilaan para sa impeachment trial sa 2025 General Appropriations Act ay halos hindi nagamit at maaari pang gamitin sa ilalim ng continuing appropriations provision. Tiniyak niyang dapat itama ng kampo ni Duterte ang naturang pahayag kung nagkaroon ng pagkakamali.