Opens in a new tab
Skip to content
National

Halos 17,000 coast guard personnel, ide-deploy para sa Undas

Nakahanda ang Philippine Coast Guard o PCG na mag-deploy ng halos 17,000 tauhan sa buong bansa para matiyak ang kaligtasan ng mga pasaherong bibiyahe sa mga pantalan ngayong Undas.

Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, itataas sa alert status ang lahat ng operating units ng Coast Guard mula October 29 hanggang November 3, kasabay ng inaasahang pagdami ng mga biyahero patungo sa kanilang mga probinsya.

Kasama sa ide-deploy ang mga floating asset at Deployable Response Group na may rescue personnel, medic, at nurse para tumugon sa mga posibleng emergency.

Maglalagay din ng Coast Guard K9 units sa mga pangunahing pantalan para tumulong sa inspeksiyon ng mga bagahe at pag-detect ng mga ipinagbabawal na bagay, partikular ang mga paputok.

Samantala, magkakaroon ng Passenger Assistance Desk sa lahat ng pantalan sa bansa para gabayan at tulungan ang mga pasahero. Makikipagtulungan dito ang Philippine Ports Authority, Philippine National Police, at iba pang law enforcement units.

Layunin ng paghahanda na mapalakas ang seguridad at agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga biyahero sa buong Undas period.