Tinanggal na sa serbisyo ng National Police Commission o NAPOLCOM si Police Corporal Almar Jerome P. Dela Cruz matapos mapatunayang administratively liable sa Grave Misconduct at Conduct Unbecoming of a Police Officer dahil sa pananakit sa kaniyang live-in partner.
Batay sa imbestigasyon, noong March 12, 2026, paulit-ulit na sinuntok at hinampas ni Dela Cruz ang kaniyang partner hanggang mawalan ito ng malay. Nabanggit din sa records ang naunang insidente noong June 2025, kung saan sinipa at binastos umano niya sa salita ang kaniyang kinakasama.
Sa pagdedesisyon, sinuri ng komisyon ang CCTV footage, sariling pahayag ng pulis tungkol sa pisikal na komprontasyon, at ang pag-amin niyang mali ang kaniyang ginawa.
Kahit naghain kalaunan ng affidavit of desistance ang complainant, o dokumentong nagsasaad na ayaw na niyang ituloy ang reklamo, iginiit ng NAPOLCOM na maaari pa ring magpatuloy ang administrative case kung may sapat na ebidensiya.
Bukod sa pagkakatanggal sa serbisyo, kanselado rin ang police eligibility ni Dela Cruz, mawawala ang kaniyang retirement benefits maliban sa naipong leave credits, at habambuhay na siyang disqualified na muling magtrabaho sa anumang tanggapan ng gobyerno, kabilang ang government-owned and controlled corporations.
Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente R. Calinisan, hindi proteksiyon ang pagsusuot ng uniporme laban sa pananagutan. Dagdag niya, kailangang patuloy na mapatunayan ng isang pulis na karapat-dapat siyang manatili sa serbisyo.
Patuloy namang iginiit ng komisyon ang layunin nitong panagutin ang mga abusadong tauhan at palakasin ang disiplina at pananagutan sa Philippine National Police.