Opens in a new tab
Skip to content
Education

Mga paaralan, may power nang magdesisyon sa suspension at pagbabalik ng klase sa bagong EO

May bagong patakaran na magbibigay ng mas malaking papel sa mga paaralan sa pagpapasya kung kailan dapat suspendihin o ibalik ang face-to-face classes, kahit may umiiral na kautusan ang lokal na pamahalaan.

Sa ilalim ng Executive Order No. 130 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong October 28 at inilathala nitong November 3, maaari nang magpatupad ang mga paaralan ng sariling class suspension kung may nakitang panganib sa kaligtasan, kalusugan at kapakanan ng mga estudyante at personnel sa loob ng kanilang campus.

Maaari rin silang humiling na maagang ibalik ang in-person classes kahit may suspension order pa ang mayor o governor, basta mapatunayang ligtas na ang lugar at may pagsang-ayon ang concerned local chief executive.

May tatlong paraan ng pagsususpinde ng klase sa ilalim ng bagong kautusan ito ang automatic suspension batay sa official hazard warnings, localized suspension na ipinatutupad ng local chief executives, at granular suspension na nakabatay sa sariling safety assessment ng bawat paaralan.

Binigyan naman ang Department of Education ng 30 araw mula sa effectivity ng kautusan para maglabas ng implementing guidelines, kabilang ang mga pamantayan at proseso sa pagsususpinde at pagbabalik ng klase.

Binabago rin ng EO 130 ang dating Executive Order No. 66, series of 2012, na gumagabay sa class suspension tuwing may kalamidad at masamang panahon.