Posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility o PAR sa Martes, October 20, ang bagyong may international name na CHAMPI, habang ilang bahagi ng Visayas at Mindanao ay maaari nang makaranas ng mga pag-ulan simula Lunes, October 19.
Ayon sa PAGASA, alas-8 ng umaga nitong October 17, namataan ang bagyo may layong 2,520 kilometers east ng Eastern Visayas.
Taglay nito ang lakas ng hanging 140 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 170 kilometers per hour. Kumikilos ito pa-west northwest sa bilis na 30 kilometers per hour. Sakaling pumasok ito sa PAR tatawagin ito bilang Rosal ayon sa PAGASA.
Samantala, tatlong weather systems ang nakaaapekto sa bansa ngayong weekend.
Dahil sa Intertropical Convergence Zone o ITCZ, asahan ang maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Mindanao, Western Visayas, Negros Island Region, Cebu at Palawan. Posible rin ang isolated rain showers o thunderstorms sa iba pang bahagi ng Visayas.
Sa Bicol Region, natitirang bahagi ng MIMAROPA, Quezon at Aurora, asahan din ang mga pag-ulan at thunderstorms dahil sa easterlies. Ito rin ang magdadala ng isolated rain showers o thunderstorms sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.
Samantala, isolated light rains naman ang posible sa Batanes at Babuyan Islands dahil sa northeasterly windflow.
Nagbabala ang PAGASA na posibleng magkaroon ng flash floods at landslides sa mga lugar na makakaranas ng katamtaman hanggang malakas na ulan, pati na rin sa matitinding thunderstorms.
Sa karagatan, wala pang gale warning na inilabas ang ahensya ngayong Sabado. Light to moderate winds at slight to moderate seas ang inaasahan sa karamihan ng bansa, habang moderate winds at moderate to rough seas naman sa Extreme Northern Luzon.
Pinapayuhan ang publiko na manatiling updated sa mga susunod na abiso ng PAGASA para sa posibleng epekto ng bagyong CHAMPI.