Nasawi ang isang lalaki matapos umanong ma-trap sa isang underwater cave habang nagsasagawa ng spearfishing sa isang ilog sa Barangay Lumbangan, Tuy, Batangas.
Batay sa initial investigation ng Tuy Municipal Police Station, dakong alas-9:55 ng gabi noong October 28, 2026, nagtungo sa ilog ang biktima kasama ang pinsan nitong si Andrew upang mangisda.
Ayon sa pinsan, sumisid ang biktima upang manghuli ng isda gamit ang pana, ngunit hindi na ito muling lumutang matapos umanong maipit sa isang kuweba sa ilalim ng tubig.
Nai-report naman sa pulisya ang insidente dakong alas-8 ng umaga noong October 29, matapos makatanggap ng tawag mula kay Barangay Chairman Edralin Camilon.
Dakong alas-8:20 ng umaga nang matagpuan at mai-retrieve ang katawan ng biktima, na wala nang buhay.
Sa initial examination, walang nakitang visible external injuries o sugat na indikasyon ng pamamaril o pananaksak, at wala ring nakitang palatandaan ng foul play.
Dinala ang labi sa isang punerarya sa Barangay Rizal, Tuy.