Inamin umano ng dalawang empleyado ng isang restaurant sa Antipolo City, Rizal ang paulit-ulit na paggamit ng hindi awtorisadong PWD discounts upang kumita ng pera.
Batay sa imbestigasyon ng Antipolo City Police, kabilang sa mga sangkot ang isang cashier/waitress at isang waiter ng Bistro by Leblanc sa Barangay Dela Paz.
Nadiskubre ang insidente noong July 5, 2026, dakong alas-tres ng hapon, nang mapansin ng kanilang shift manager na kumukuha umano ang cashier ng 250 pesos mula sa kaha. Isang daang piso ang inilagay nito sa sariling bulsa habang ibinigay ang natitirang 150 pesos sa kasamahan.
Nang tanungin, sinabi umano nitong nagproseso siya ng PWD discount para sa isang customer, ngunit hindi nakapagpakita ng kaukulang PWD identification card.
Sa kanilang mga pinirmahang salaysay sa HR office, inamin umano ng dalawa ang kanilang pagkakasangkot at isiniwalat na may iba pa silang kasamahang posibleng sangkot sa kaparehong gawain.
Narekober ang 250 pesos na pera, habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang posibleng sangkot.
Nai-report ang insidente sa pulisya noong November 5, 2026, alas-8:15 ng gabi. Naghahanda na ang complainant ng mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang reklamo laban sa dalawang suspek na nananatiling at-large.